tinakpan ng panyo ang ilong laban sa nakakasulasok na usok
ang malatambutsong bibig ng drayber ang salarin
NO SMOKING ang sabi sa karatulang sa loob mismo ng cab idinikit
maingay at kahit nakaearphones ay rinig ang kwentuhan, sigawan at sirena ng mga sasakyang nalilito sa direksyon ng punta-balik na rota sa bayan
sa likuran ay my kumakalabit, isang matandang babaeng hindi ko kayang panindigan ang kasiguraduhan sa pagiging mahina at dugyot
totoong umuunlad na ang Puerto
ang init ng araw ay tagos sa loob ng manipis na latang bubong
may nagpapaypay ng papel, plastik, dyaryo, folder, totoong pamaypay at panyo
nakaka-OP ang hindi pagpawisan
umaalingasaw ang mga naghalo-halong amoy ng pawis sa kilikili at hininga
ang lahat ay inip na naghihintay sa garalgal na senyales ng dispatcher
sa kabilang bintana ay tanaw ang Chowking- pula, puti at dilaw
parang tanghali sa dami ng kumakain eh alas dose palang
pilit kong tinanggap na kwarenta minutos ang presyo ng tanghalian
sumakit ang mata sa katititig sa mga trafic lights na tila bago sa paningin
may naki-abot ng bayad, "sa adventist lang po".."tiniguiban"
may pumasok at agad ay lumabas din ng makitang sa dulong unahan nalang ang bakante
sumimangot ang lalaking sumisigaw ng "o PSU!!!san pedro!!!"
sabik nang kunin ang siguradong limang pisong komisyon
mayamaya ay pumasok ang isang matandang tuyong-tuyo ang kulay at outfit maliban sa amoy lana, pumosisyon sa tabi ko
NCCC na large plastic at karton ang mag-isang hirap na binit-bit at ipinasok sa sasakyan
umangat ang kilay ng maganda at artipisyal na babae sa harap ng my edad
lalong sumikip ang paligid sa kanyang mahalay na kasuotan
huminga ako ng malalim at sinubukang mag-isip ng my mga bagay na normal sa aking edad
natalo ng kabutihan ang kasamaan at nagpatuloy ako sa pagpursigi ng mabuting asal
mga senaryong araw- araw man umiba o maulit ay okay lang
pinikit ang mga mata at nakontento na lamang makinig
maya-maya, umandar na ang makina at sa wakas ay sinaklolohan ang umaapaw na pagka bagot
umikot ang gulong kasabay ng aking kamalayan
dumukot ng walong piso sa bulsa at iniabot sa amoy asupre at madungis na kamay ni NONOY.
No comments:
Post a Comment