Thursday, August 11, 2011

May mga pagkakataong mapapagtanto mong sumobra kana sa itinakdang dami, tagal at layo. Ang mga taong nasa paligid ay mapapansing hindi na nagsasalitang tulad ng dati; mga ngiting di na kasing totoo; biglang aalis ang isang matalik na kaibaigang isang oras lang ang nakalipas ay katawanan at kasama sa mga gawaing walang inhibisyon; may mga kagamitang masisira ng wala sa oras at tamang panahon; ang gabi ay tatagal ng kalahating araw.

Gigising ka sa umagang mas matulis ang nguso at para bang may bumubulong na tumigil kang sandali at tingnan ang sarili sa salamin. Nang makita ay isang mukhang matagal mo ng kilala subalit di na ito maaaninagan ng pag-asang makabangon sa hukay na dulot ng layaw, bisyo at pagmamalaki.

Binuksan ang mga mata at sa likod ay lumingon para tingnan ang dugyot na libro ng GMRC na balot ng malagkit sapot ng gagambang bahay at alikabok. Nakaraang taon ay bilang lang ang pagkakataong ginamit mo ito sa pakikipagkapwa tao.Ngayon naman ay bilang lang ang pagkakataon nag-isip kang gamitin ito. Naging makasarili ka at mapanghusga sa mga taong sa iyo ay naging mabuti; maintindihin sa iyong walang konsidirasyong personalidad.

Dahan dahan ay naparalisa ang iyong mga kamay. Hindi mo na maigalaw ang iyong mga mata. Sa isang direksyon, ang mga paa mo ay naglakad ng kusa tungo sa bakod na itinayo mo gamit ang pang araw- araw na puri; at ng malapit kana ay halos umiyak ka sa takot na masira ito, subalit ang sarili mo ay hindi napansing gumuguhong parang buhanging maiging kinorte ng maarugang kamay ng iyong mga magulang.

Natupad nga ang kasabihan sa iyo; at ikaw ay hindi alam ang magiging umpisa ng lahat. ang kagalingan ay nakatago sa loob ng dibdib mong pinakapal ng pekeng pagpapakilala. O Diyos, ang bulong sa sarili ng halos di masambit ang huling silabiko. Kung bakit at papaanong ikaw ay aahon ay bukas pa ba magsisimula?

May isang taong nakatayo sa bandang unahan. sya umano ang susi sa iyong katahimikan. Gumapang kang parang uod sa baba ng kakayanan mong alamin ang kaibahan ng kutya sa mabuting balita. Hanggang halos mahalikan mo na ang paanan niya sa lapit ay ngumiti sya mula sa itaas na di pansin ang amoy at mukha mong daig pa ang inimbalsamong patay sa putla at panlalamig. Bago ka pa man magsambit ay una nyang hinawakan ang kaliwa mong kamay para alalayan kang tumayo at niyakap kang nanginginig. Marumi ka at sa hiya ay di na nagsalita o gumalaw. Sa loob ng kanyang mga bisig ay binalot ka ng kapayapaan at kakontentohan. Lumabas sa iyong mga mata ang implikasyon ng pagsisisi at pangako. Ang maliwanag na daan tungong silangan ay tinahak mong nasa likod siya. Doon ikaw ay nabagong di tulad ng sino ka man sa nakaraan at di na naalala pang lumingon sa kanina.


No comments:

Post a Comment