
Sabihin mang ikaw ay babaeng katamtaman ang ganda at kahit isang segundo ay aksidente kang nag-isip na maging kabiyak si Merio, sigurado akong isang segundo kang naging mapalad. Kung ang basehan ng pagiging karapat-dapat ng isang lalaki ay katamaran at kinis ng mukha ay uminom tayong lahat ng malamig na soya milk at baka sakaling maging normal at malinaw ang ating mga pandama at isipan.
Ang bawat umaga ay sepia kung dumaan ka sa dirty waste disposal area at si “Gary” ang umiintindi ng mga basag na bote ng gamot at mga suerong may laman man o wala ay waldas na ang kapakinabangan. O isang pagkakataon ay si “Ate Ruth” ang naglilinis ng nakakalalaking boy’s dorm. Siguradong ang kubeta ay isang linggong maghihintay ng susunod na linis dahil sayo lang (Merio) may galang ang kakontentohan nito.
Sa ilalim ng mainit na tanghali ay tulad ka ng mga tanim mong kamatis na kumikinang ang mukha sa sebo; pero ‘di mo alintana kung ano man ang impresyon ng mga nakatingin. Ang trabaho mo ay nakapilang kasunod ng pagmamahal mo sa sarili sa loob ng pulang damit mong ang palit ay bawat dalawang araw. Kung tumulad sa’yo ang mga kababayan mong Pala-wan ay syudad na ang “Pinaglabanan."
Ang pag-tulong sa kapwa ay bahagi ng kulturang kahit saan man sa Pilipinas ay katotohanang pangkalahatan. Gaano man ito ka totoo ay ganun din itong ebentwal na inaanay ng pagkamakasarili at modernisasyon. Isang araw narinig ko sa tsismis, wala ka nang sinahod dahil sa naospital mong ka-baryo. Ang otsyenta porsyento ng kinita mo sa pag-amoy ng mga basura ay napasakamay mo ng dalawang minuto at walang pag-aalangang ibinayad sa kahera ng ospital sa ngalan ng may sakit. Pagkagabi ay alam kong nanalangin ka ng taim-tim sa biyayang hindi man kapalit ng ibinigay ay bubuhay sayo maliban sa talong at pechay.
Kahapon ng gabi, lumabas ako ng kwarto para maghatid ng ilang biniling goods sa ref at nakita kitang nakahilata sa couch; taas ang paa at bukas ang bibig. Normal naman ang breath sounds at kulay ng balat mo; kalmado ang kilay at walang bakas ng stress sa iyong mukha. Ngunit dama ko sa tibok ng puso mong may iba kang nararamdamang tinatago. Bumalik sa aking ala-ala ang pagkawala ng alaga kong si Bange na noon mula sa bukid ay umuuwi ng mag-isa sa bahay may sampong milya ang distansya gamit ang talas ng ilong sa pag-amoy ng short ng tatay kong rason ang aso sa kawalan ng ganang maligo. Itinanggi mong may aberasyon kang dinadala ng tanongin kitang, okay ka lang mer?Maya- maya ay umangat ang cheek mo at nagsalubong ang kilay. Pinikit mo ang iyong mga mata at sa hindi sinasadya ay nagpakita maladroit na paggalaw. Sa huli ay inamin mo rin, masakit ang tiyan mo at nasusuka. Napansin kong maputla ang mga labi mo, at kung nakamulat, ang mga mata mo ay mapungay na nagsasabing, I got dirty, I got muddy, but see, I earned a little… Sa pagsisiyasat ay napag-alaman kong hindi ka nakakain ng desenteng almusal at tanghalian. Ang kanin ay halos mapanis sa kahihintay sayo ng walang ulam, o kahit kanin ay meron ba? Sa kasong ito, ikaw ang biktima at maligamgam ang kasiguraduhang ikaw rin ang suspetsado, at kami naman ang mga insensitibong kumunidad.
Sa kakonsensyahang kahit isang beses ay hindi manlang tayo nagkasamang kumain sa dinami-daming pagkakataon ay tumawag ako sa Pharmacy at nakiusap na bigyan ka ng Prevacid FDT 30mg charged to my account. Amoy sa kamay ko ang piniritong corned beef na may itlog. Ikaw naman ay nasa harap ko at walang malisyang nakatingin ng may inosenteng ibig sabihin. Sino ang may sabing may angking kakayanan sa buhay? Binhi ng kabutihan sa puso at etikong mapagkakatiwalaan? Lumapit tayo at bigyang pansin ang katotohanan sa likod ng mga senaryong pisikal.
Noong sumunod na araw, pagkatapos ng smooth “Nurses’ Notes Choir Practice” ay bumalik ako sa dorm at nakita kitang tulad ng dati ay hawak ang walis at suot ang kunwari’y gloves sa kamay pero butas naman. Masigla ka na at ‘di man mukhang uminom ng Bear Brand na gatas at kumain ng “Sinakol” ay pwede ka nang tawaging “hale and hearty.”
Alas otso na ng gabi ay nagtatrabaho ka pa. Hindi ba’t hanggang alas singko lang ang patak ng metro mo? Lumapit ako at sandaling pinagmasdan ang sa likod mong karaniwang mga bed pans na nakahilerang malapit sa bakod ng ospital. Ang enisyatib mong gamitin sila para taniman ng mga gulay ay hindi maitatangging pambihira. Mukhang marumi man ang mga ito ay organiko namang sulit at sa init ng prankang tanghali ay madededo ang mga mikrobyong mula sa ihi, dura, mens at iba pang sekresyon ng katawan, depende kung papaanong mahusay na ginamit ang mga ito. Straight ang dahon ng mga gulay na para bang bagong gising sa umaga sa gabing katumbas; bawat patak ng tubig na dinilig mo kanina ay damang haplos ng sinseridad. Malulusog at matataba ang mga nasabi ko nang kamatis at pechay. Malalim ang pagkaberde ng mga halaman maliban sa mapagpanggap na bunga ng talong.
Hindi ko maikakailang sa sandaling nanatili ako sa hardin mong pinagitnaan ng mga city garbage bins na proyekto ni Mayor Hagedorn ay may totoong galak sa aking puso. Ang katahimikan at payak na pamumuhay ay nangibabaw sa aking ulirat; kapayapaang mga parasitong lamok at minsan ay pagkaing kuliglig lang ng natural na gabi ang may lisensyang pumapel. Sandalng binaling ko ang aking atensyon at sinubukang kalkulahin ang kay Doc Mac ay naunsyaming bayarin, pagkatapos ay tiningnan ka mga bente metro ang layo mula sa akin, seryoso kang nasisiyahan sa ginagawa habang alam mong ang lahat ay nasa kanilang mga bahay at nanonood ng paboritong teleserye, ang iba ay kumakain at nagpapahinga, may nag- aaway, ang iba naman ay tahimik na nag-iisip ng susunod na paggagastusan ng salaping halos hindi magkasya sa bulsa. Inangat ko ang aking mga kamay at pinagmasdang maigi; diploma, trabaho, IR, oras, condom catheter at sa huli ay mabuting asal na mula sa kapwa ang indiscriminate na dumaan sa aking mga palad. Ano ba ang mga nesisidad sa pag-angkop ng sarili sa tadhana. May takdang aralin ang bawat sandali; ang ipalaganap ang mga katangiang ang unang nagbahagi ay ikaw, sa akin.
No comments:
Post a Comment